| By Domingo B. Natividad V,
on 23-05-2011 03:04
|
Views : 882 |
Favoured : 27 |
Published in : News, Government |
QUEZON CITY, May 19 (PIA) - “Hindi corrupt na agency ang AFP,” ito ang mind-set na ipinaiiral ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff, General Eduardo Oban Jr. sa pagpupursige nitong i-reporma ang Hukbong Sandatahang Lakas.
Sa kanyang pagharap sa media sa Communication and News Exchange (CNEX) forum, sinabi ni Oban na nagsisilbing hamon sa AFP ang mga mali ng nakaraang liderato ng AFP na naglugmok sa imahe nito.
Sa pinakahuling surbey ng Pulse Asia patungkol sa corruption, ang AFP ang nataguriang most-corrupt government agency.
Upang baguhin ang imaheng ito, ini-ulat ni Oban ang mga reporma sa AFP kasama na ang madalas na pag-o-audit ng mga proyekto at programang pinagkakagastahan. Ani Oban, sa tatlong major internal audits na kanilang isinagawa, iisa palang ang may resulta, at dalawa pang reports ang kanyang ikinukulit. Lumalabas, ayon sa kanya, na walang gaano silang nasilip na anomalya sa paggamit ng pondo ng POL (petroleum, oil, and lubricant) palang.
Inilatag din ni Oban ang AFP Financial and Logistics Reform Program (AFPFLRP) na siyang magsisilbing blueprint sa pagbabago sa sistema ng pamamahala ng kaban ng sandatahan. Gayundin, iniulat din niya na tinuldukan na pagsasagawa ng “conversion” ng pondo sa AFP.
Sa kanyang pagdalo sa Senate Blue Ribbon Committee hearing kamakailan, ipinangako nito ang pagkakaroon ng bagong kultura sa AFP na naayon sa “Daang Matuwid” at siyang susugpo sa sistema ng korapsyon sa military. Anya, liban sa pag-reporma sa sistema ng sandatahan, importanteng mabunot ang ugat ng korapsiyon sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga importanteng polisiya at pagpapanagot ng miyembro ng sadatahang ayaw tumahak sa tamang daan.
Si Oban ang panauhing pandangal ng CNEX ngayong araw na pinapatakbo ng Philippine Information Agency at sabay na isinahimpapawid ng DZRB-Radyo ng Bayan at NBN Channel 4. (RJB/DBNV-PIA) Last update: 23-05-2011 03:07
|